Nanawagan si Pope Leo XIV ng kapayapaan sa kanyang Easter message at hinikayat ang mga lider ng mundo na itigil ang mga giyera at talikuran ang anumang pagnanasa sa kapangyarihan at dominasyon.
Sa kanyang mensaheng “Urbi et Orbi,” binigyang-diin ng Santo Papa na si Kristo ay huwaran ng ganap na kapayapaan at hindi marahas.
Sa kanyang Easter message na ipinahayag sa harap ng libo-libong nagtipon sa St. Peter’s Square, nanawagan si Pope Leo XIV sa mga lider ng mundo na itigil ang mga umiiral na giyera sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ayon sa Santo Papa, tila nasasanay na ang mga tao sa karahasan, kaya’t mahalagang piliin ang kapayapaan kaysa sa digmaan.
Hinikayat din niya ang mga bansang may hawak ng armas na ihinto ang labanan at magpatuloy sa diyalogo.
Bagama’t hindi binanggit ang partikular na giyera, kapansin-pansin ang kanyang diretsong panawagan sa mensaheng Urbi et Orbi na mas maikli ngunit mas matindi ang dating.
Ipinaliwanag niya na ang muling pagkabuhay ni Kristo ay patunay ng kapayapaan at pag-asa, na dapat maging gabay ng sangkatauhan.
Sa mga nakalipas na linggo, mas naging matindi ang pagkondena ng Santo Papa sa mga marahas na sagupaan sa mundo, kabilang ang kanyang matinding kritisismo sa digmaan na kinasasangkutan ng Iran.
















