-- Advertisements --

Nagbabala ang Presidential Communications Office (PCO) laban sa paglaganap ng maling impormasyon na sinasamantala ang kasalukuyang sitwasyon sa enerhiya sa bansa.

Sa pahayag ni PCO Secretary Dave Gomez, sinabi niyang mananagot sa ilalim ng batas ang sinumang sadyang gumagawa at nagpapakalat ng pekeng balita online.

Ipinaalala ni Secretary Gomez na ang pagpapakalat ng “fake news” ay may kaparusahan na hanggang anim na buwang pagkakakulong alinsunod sa Revised Penal Code.

Kapag ginawa ito online, dodoble ang parusa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.

Ayon pa kay Gomez, ang disinformation ay sumisira sa tiwala ng publiko, nagpapahina sa ekonomiya, at naglalagay sa panganib sa kapakanan ng mamamayan lalo na sa gitna ng hamon sa enerhiya.

Binigyang-diin niya na walang palalagpasin ang pamahalaan laban sa mga sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon para sa pansarili o pampulitikang interes.

Aniya, ituturing na seryosong paglabag ang anumang pagtatangkang iligaw ang publiko hinggil sa seguridad, suplay, at presyo ng enerhiya.

Sinabi ng Kalihim na makikipag-ugnayan ang PCO sa Department of Justice (DOJ) upang magsampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang nagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon at nagmamanipula ng merkado.

Pinaigting din ng ahensya ang pagbabantay sa social media at iba pang daluyan ng impormasyon upang matukoy at mapigilan ang mga organisadong kampanya ng disinformation, katuwang ang Oplan Kontra Fake News.

Tiniyak ng pamahalaan ang patuloy na pagbibigay ng malinaw, tama, at napapanahong impormasyon tungkol sa sektor ng enerhiya, kasabay ng panawagan sa publiko na umasa lamang sa opisyal na ulat at beripikadong datos.

Hinimok din ni Secretary Gomez ang mga netizen na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at tiyaking beripikado ang mga ito bago ipakalat upang maiwasan ang posibleng pinsala sa publiko.