Tiniyak ni Philippine National Police Chief PGen Benjamin Acorda Jr. na patuloy na binabantayan ngayon ng Pambansang Pulisya ang online sabong sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PGen Acorda na sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang pakikipag-ugnayan ng Pambansang Pulisya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan partikular na pagdating sa mga impormasyong may kaugnayan sa patuloy na pagpapatakbo ng e-sabong o online cockfighting.
Aniya, tuluy-tuloy ang ginagawang pagtutok ngayon ng PNP Anti Cybercrime Group dito sa pamamagitan ng patuloy na cyber patrolling kasabay na rin ng pakiki-ugnayan nito sa National Telecommunications Commission.
Dagdag pa ni Acorda, sa katunayan ay mayroon nang mga operators ng e-sabong ang kanilang ipina-take down, ngunit inamin din niya na may ilang problema din silang kinakaharap ukol dito lalo na’t online isinasagawa ang pagpapataya sa sugal na ito.
Samantala, kasabay nito ay muli namang tiniyak ni Acorda na patuloy ang isinasagawang best effort ng pulisya sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang tuluyan nang matugunan at mapigilan ang paglaganap ng online sabong sa Pilipinas.