-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Inilunsad ng Misamis Oriental Provincial Jail (MOPJ) ang electronic dalaw (E-Dalaw).

Ito ang nakikitang pamamaraan ng Provincial Government na mabigyan ng pagkakataon ang mga bilanggo na makausap ang kanilang mga mahal sa buhay lalo pa’t mahigpit na pinagbabawal ang pagbisita sa mga kulungan ngayon dahil sa banta ng COVID-19.

Ayon kay Misamis Oriental Provincial Jail warden Dominador Boy Tagarda, makikita at makakausap ng mga inmates ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng online o video chat.

Dalawang computer sets ang ipinagkaloob ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa MOPJ upang maggamit sa makabagong pamamaraan ng pakikipag-komunikasyon ng mga preso sa kanilang pamilya na malayo sa posibilidad na mahawaan sila sa virus. 

Malaki naman ang pasasalamat ng mga inmates dahil binigyan pa rin sila ng halaga ng gobyerno sa kabila ng kanilang kalagayan.