Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kapartido niya sa PDP-Laban na magkaisa sa harap ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ito ni Duterte sa national council meeting ng PDP-Laban na ipinatawag ni Energy Sec. Alfonso Cusi ngayong araw, Mayo 31, 2021, na ginanap sa Cebu City.
Ayon kay Duterte, dapat prayoridad ng bawat miyembro ng kanilang partido ang kapakanan ng taumbayan, na kanilang misyon sa mga nakalipas na taon.
Nanawagan ang Pangulo na magtulungan sa mga hakbang na magpapatuloy sa maayos na pamamahala hindi lamang base sa personal interes kundi sa mga prinsipyo at values ng partido.
Bago ang national council meeting, nanawagan si PDP-Laban president Sen. Manny Pacquiao sa mga miyembro ng partido na huwag pansinin ang panawagan ni Cusi para sa pagkakaroon daw ng isang “national assembly” ngayong Mayo 31.
Sinabi niya sa inilabas niyang memorandum circular na hindi dapat dumalo ang mga miyembro ng pagdinig sa imbitasyon ni Cusi sapagkat hindi aniya ito panahon ngayon ng politika.