Nakatakdang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa probinsya ng Batanes ngayong araw.
Ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, dakong alas-10:30 ng umaga aalis ng Davao City ang Pangulo patungong Batanes para personal na inspeksyunin ang mga iniwang pinsala ng dalawang malakas na lindol kahapon.
Nabatid na walong katao ang binawian ng buhay habang 60 iba pa ang sugatan sa magnitude 5.4 at magnitude 5.9 na lindol na tumama sa probinsya.
Ang bayan ng Itbayat ang pinaka-apektado ng mga pagyanig.
Sa lakas ng lindol, ilang bahay na bato, paaralan at belfry ng makasaysayang Santa Maria de Mayan church ay pawang gumuho.
Nanawagan na ng agarang tulong si Itbayat Mayor Raul de Sagon para sa mahigit 2,000 katao na lumikas ng kanilang mga tahanan.
Nabatid na hanggang alas-7:00 kagabi, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 77 aftershocks kasunod ng dalawang lindo.