Hindi dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa unang status conference ng kaniyang kaso sa International Criminal Court (ICC) na nakatakdang isagawa sa Mayo 27, 2026.
Ito ay matapos opisyal na magsumite ang kaniyang legal team ng “Defence Notification of Mr Duterte’s Signed Waiver to Appear at the First Status Conference” sa ICC Trial Chamber III noong Mayo 25.

Batay sa dokumentong inihain ng lead counsel na si Atty. Peter Haynes, KC, pinahintulutan umano ni Duterte ang kaniyang mga abogado na kumatawan at humawak ng lahat ng procedural matters kaugnay ng pagdinig.
Ayon pa sa depensa, lubos na nagtitiwala ang dating pangulo sa kaniyang legal team upang tugunan ang mga usaping tatalakayin sa status conference, kabilang ang iba pang maaaring ihain sa pagdinig.
Ang pagsusumite ng waiver ay alinsunod sa direktiba ng ICC Trial Chamber noong Mayo 22 na nagbibigay-daan sa depensa na magsumite ng pormal na written waiver bago ang Mayo 25.
Ang naturang kaso ay nakapailalim sa case number ICC-01/21-01/25 na may kaugnayan sa imbestigasyon ng ICC sa sitwasyon sa Pilipinas.
Pangungunahan ang status conference ni Judge Joanna Korner kasama sina Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Sa ngayon, wala pang karagdagang pahayag mula kay Duterte hinggil sa kaniyang hindi pagdalo sa naturang pagdinig.
















