Tiniyak ng Malacañang na hindi papalagpasin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang kwestiyonableng items na nakapaloob sa proposed 2020 national budget.

Kung maaalala, inihayag ni Sen. Panfilo Lacson na mayroong P20-billion na “parked” projects o mga pondong walang partikular na detalye kung saan mapupunta o kailan magagamit.

Nakalagay lang umano ito sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat tukuyin ni Sen. Lacson kung alin ang items na ito dahil tatanggalin ni Pangulong Duterte ang mga ito sa budget.

Nabatid na may line veto power si Pangulong Duterte pagdating sa pag-apruba ng proposed national budget kung saan maaari niyang tapyasan ang pambansang pondo bago ito maging isang ganap na batas.

Nitong 2019 budget, nasa P95.3 billion ang vineto ni Pangulong Duterte kabilang na ang mga sinasabing isiningit ng mga mambabatas na pondo sa ilalim ng DPWH.