-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na masaya at ligtas laban sa anumang diskriminasyon ang lahat ng sektor, hindi lamang ang mga LGBT (lesbian gay bisexual transgender) community.

Magugunitang inihayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang sisertipikahang urgent ang SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality) Bill, pero nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang Anti-Discrimination Bill ang tinutukoy ng pangulo.

Sinabi ni Sec. Panelo, hindi lamang mga miyembro ng LGBT community ang nais mapasaya at maprotektahan ni Pangulong Duterte kundi lahat gaya ng mga matatanda, persons with disabilities, mga bata at may diperensya.

Ayon kay Sec. Panelo, sa Davao City ay may matagal ng anti-discrimination policy na ipinatutupad noong alkalde pa si Pangulong Duterte kaya malinaw na hindi sesertipikahang urgent ni Pangulong Duterte ang SOGIE Bill.

Samantala, pabor si Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa mungkahing sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga panukalang batas laban sa diskriminasyon.

Matapos na magalit aniya ang greater majority lalo na ang mga kababaihan sa kanilang pagtutol sa SOGIE Bill, iginiit ni Atienza na mas mainam na isulong ang Anti-Discrimination Bill.

Para sa kongresista, hindi na kailangan pang gumawa ng batas para baguhin ang totoong kasarian ng isang tao.

Kaya marapat lamang ayon kay Atienza na limitahan sa disikriminasyon sa kasarian ang ipapasang panukala.

Pero kapag umabot na aniya sa pananakit ng kapwa tao, iginiit ng kongresista na kailangan na itong maparusahan. (with report from Bombo Dave Pasit)