Inamin ni Interior Sec. Eduardo Año na dismayado si Pang. Rodrigo Duterte sa Philipine National Police (PNP) kaugnay ng issue sa ninja cops na kaya hindi ito makapili ng papalit sa pwesto ng nasangkot noon na si dating PNP chief Oscar Albayalde.
“Well I will admit na talagang isa sa reason yan yung nangyari sa ninja cops, talagang nadisappoint sya sa nangyari na yun kasi sabi nga ng pangulo he has given everything to the pnp including doubling the salary of the police officers and yet meron pa rin mga pulis na gumagawa ng ganito. He was a little bit dissappointed and sabi nya sa akin kahit maubos ang buong kapulisan basta merong involved sa droga tanggalin natin yan. Yan ang gagawin natin,” pahayag ni Sec. Año.
Ayon sa kalihim, kampante naman ang presidente sa mga itinalaga nito na pansamantalang opisyal sa PNP pero tiniyak daw nitong pormal na pipili ang pangulo ng papalit sa iniwang pwesto ni Albayalde.
“Hindi naman nawala yung trust. Nakatoon yung kanyang attention doon sa mga few police officials na masasabi natin na hanggang ngayon may ginagawa pa din kalokohan. Sana yung leadership na gumagawa lahat ng paraan para maidentify at maalis mga pulis pero nung huli naming command conference sinabi nya yung kanyang saloobin at nagsabi din sya pasensya na kayo at nasabi ko yung mga ganitong bagay sapagkat iisa lang talaga yung gusto nya, tapusin yung droga sa term at naintindihan namin yung damdamin ng pangulo, ” wika pa ni Año.
Kung maaalala, maugong ang pangalan nina PNP officer in charge Lt. Gen. Archie Gamboa, Lt. Gen. Camilo Cascolan at Lt. Gen. Guillermo Eleazar bilang contenders sa posisyon.
Pero ayon sa Interior secretary, titingnan pa rin ng presidente ang performance ng tatlo para makapili ng magpapatuloy sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
“Hindi naman yan parusa sapagkat ang pangulo kasi kapag meron syang dinaramdam sasabihin nya talaga yan. Ibulalas nya yan. Emotional yan eh pero kapag nasabi na nya yan then okay na yun at syempre naman yung ating kapulisan mga professional nainditindhan ang pangulo at nakikita ko naman determination ng organization to come up to expectations of the president,” pahayag ng kalihim.