Pumalag ang mga miyembro ng Makabayan bloc sa tila pamamaliit daw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtaas ng COVID-19 cases kamakailan.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, kung maliit na bagay para kay Duterte ang pagsirit ng COVID-19 cases kamakailan, napakalaking suliranin naman ito sa napakaraming Pilipino lalo na sa mga walang hanapbuhay o kulang ang kinikita.
Napakalaking problema aniya ang magkasakit ngayon dahil sa walang matinong serbisyong pangkalusugan.
Iginiit naman ni Gabriela prty-list Rep. Arlene Brosas na hindi “maliit na bagay” ang dinaranas ng mmamayang Pilipino sa gitna ng pandemya.
Insulto aniya ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte sa mga namatayan at nagkasakit dahil sa COVID-19, sa milyun-milyong nawalan ng trabaho at hanapbuhay, sa libu-libong inaresto at ikinulong na mahihirap dahil umano sa paglabag sa protocols, at sa mga pamilyang kailangang tiisin ang hirap at gutom.
Ang naging pahayag aniya ni Pangulong Duterte ay nagpapakita lamang na talagang “detached” o malayo ito sa tunay na nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan sa gitna ng panemya.
Wala na rin aniyang duda kung bakit bumalik ang bansa sa kung ano tayo sa kasalukuyan, o mas malala pa sa nakalipas na taon.