-- Advertisements --

MANILA – Hindi pa napapanahon na alisin ang polisiya ng pamahalaan sa mandatoryong paggamit ng face shield sa mga pampublikong lugar.

Ito ang posisyon ni Health Sec. Francisco Duque III sa gitna ng mga panawagan na tanggalin na ang patakaran sa paggamit ng face shield kapag nasa labas ng bahay at mga establisyemento.

Nitong Miyerkules nang manawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa Department of Health (DOH) para alisin na ang mandatory face shield policy.

Ayon sa alkalde, dapat sa mga ospital nalang i-require ang pagsusuot ng face shield.

“Ok (yung) mungkahi ni Mayor Isko kung malaki na vaccination coverage natin,” ani Duque sa isang statement.

Paliwanag ng Health secretary, hindi naman mahirap alisin ang mandatory face shield requirement kung malaki ang COVID-19 vaccine coverage ng bansa.

Pero sa ngayon daw kasi, hindi pa umaabot sa 2% ang bilang ng mga fully vaccinated sa coronavirus sa Pilipinas, kaya hindi pa masasabing ligtas na ang hindi pagsusuot ng face shield.

“Hindi pa pwedeng tanggalin ang face shield policy for now when our 2 dose vaccination coverage is a little over 2% due to still inadequate vaccine supply.”

Iginiit din ni Duque ang ebidensya ng ilang pag-aaral na nagsasabing may hanggang 95% na proteksyon sa coronavirus ang paggamit ng face shield, face mask, at 1-metrong physical distancing.

Noong Disyembre nang ipatupad ng Inter-Agency Task Force ang mandatoryong pagsusuot ng face shield sa pampublikong lugar.

Patuloy pang pinag-aaralan ng US Centers for Disease Control and Prevention ang bisa ng face shield bilang proteksyon sa COVID-19 infection.