Dinipensahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang status ng deployment ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Sinabi ni Duque na hindi naman mabagal ang pamamahagi ng bakuna sa iba’t ibang lugar sa bansa, at iginiit na sinusunod lamang din ng iba’t ibang ahensya ng pamahalan ang wastong proseso para rito.
Una rito, nagpahayag ng kanyang pagkadismaya si Manila City Mayor Isko Moreno noong Mayo 11 hinggil sa aniya’y napakabagal na pagpapadala ng mga COVID-19 vaccines sa iba’t ibang local government units sa bansa.
Pero ayon kay Duque, mayroong mga proseso na kailangan sundin bago pa man ipadala sa mga LGUs.
Inihalimbawa nito ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac, kung saan kailangan muna ng Certificate of Analysis bago ito maipadala sa iba’t ibang panig ng bansa para gamitin sa vaccination program ng pamahalaan.
Ang Certificate of Analysis aniya ay nagsisilbing katibayan na ligtas at epektibong gamitn ang isang bakuna.
Samantala, nilinaw naman din ni Duquq na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan para naman sa pagtatayo ng mega vaccination site sa Nayon Pilipino.
Ayon kay Duque, handa na silang lumagda sa Memorandum of Agreement para gawing malaking vaccination site ang Nayon Pilipino sa Paranaque City.