-- Advertisements --

Umapela ang mga petitioners na naghain ng kasong graft at plunder laban kay Health Sec. Francisco sa Office of the Ombudsman na maglabas ng subpoena laban sa kalihim at sa kapatid nito sa rental issue ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)

Sa isang motion na inihain noong Hulyo 5, hiniling din ng mga complainants sa Office of the Ombudsman na i-summon o ipatawag sina Duque at kapatid nito na si Social Security Services (SSS) Commissioner Atty. Gonzalo Duque.

Ito ay para hilingin sa dalawa ang kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at Personal Data Sheets (PDS).

Si Duque ay inaakusahan ng kasong plunder dahil sa pagpayag nito sa PhilHealth Office sa Pangasinan na mag-renta ng isang building na pag-aari ng kanyang pamilya.

Noong mga panahon na iyon, si Duque ay ex-officio chair ng PhilHealth bilang DOH secretary.

Ang mga reklamong ito ay base sa mga rebelasyon ni Sen. Panfilo Lacson, na nagsabi na si Duque at pamilya nito ang may-ari ng Educational and Medical Development Corp. (EDMC) building kung saan nago-opisina ang PhilHealth Office sa Dagupan.

Iginiit ng kalihim na nagbitiw na siya sa kanyang puwesto sa EDMC nang inupahan ng PhilHealth ang building, pero sinabi ng mga petitioners na hindi pa naman kinukuha niDuque ang shares nito sa kompanya noong mga panahon na iyon.

Napasama naman ang kapatid ni Duque na si Gonzalo bilang respondent sa kanilang reklamo matapos na lumabas sa imbestigasyon na tumayo ito bilang kinatawan ng SSS sa Board of Directors ng PhilHealth.