-- Advertisements --

Isang quarantine facility na may kapasidad na 550-beds ang target umanong buksan ng pamahalaan sa Nueve Ecija, ayon kay Health Sec. Francisco Duque III.

Sa isang press conference, sinabi ng kalihim na kapag binuksan ang nasabing pasilidad ay mga overseas Filipino workers (OFW) na nag-positibo sa COVID-19 ang makikinabang.

“Meron po tayong inihahanda at malapit na po gamitin ito within the week, yun pong Fort Magsaysay, 550-bed capacity na quarantine facility at dito po ay karamihan ilalagay natin yung mga positibo na OFWs,” ani Duque.

Bukod sa infected OFWs, posible rin daw na isama nila ang iba pang mga confirmed patients na mild ang sintomas kapag may natira pang espasyo.

“Kung may matitira, ilalagay din po natin yung ibang mild na kaso, suspects and probable cases pero imamanage po ito.”

Kamakailan nang sabihin ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na sa quarantine facilities na lang dapat mamalagi habang nagpapagaling ang mga mild at asymptomatic COVID-19 patients.

Batay sa tala ng Department of Health (DOH), 49-percent ng allocated beds ng mga ospital sa buong bansa ang mayroon nang pasyente sa COVID-19.