-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko sa mga Overseas Filipino Workers na nagbabalak magpadala ng mga balikbayan boxes ngayong panahon ng kapaskuhan, kasabay ng inaasahang pagpasok ng maraming shipment.

Ayon sa DTI, kailangang makipag-transaksyon lamang ang mga Pinoy overseas sa mga accredited Philippine counterparts o mga agents.

Marami kasi sa mga pekeng ahente sa ngayon ay nag-aalok ng mababang rate o bayad kapalit ng pagpapadala, habang ang iba naman ay nagpapakilalang ahente ng isang kumpanya ngunit mga peke o hindi aktwal na empleyado ng mga ginagamit na kumpanya.

Sinabi ng DTI na nagpapatupad ito ng accreditation sa mga seafreight forwarders (SFF) bilang bahagi ng mandato nitong protektahan ang mga konsyumer mula sa mga hindi accredited na kumpanya.

Hanggang nitong Nobiembre ng kasalukuyang taon, nakapag-isyu na ang DTI ng hanggang sa 736 SFF accreditation. 153 sa mga ito ay tumatanggap ng shipment ng mga balikbayan boxes.

Ayon sa DTI, marami ang posibleng mananamantala sa plano ng mga OFWs na pagpapadala ng mag balikbayan boxes ngayong panahon ng kapaskuhan, kayat kailangang mag-ingat ang mga ito upang hindi masayang ang pinagpaguran.

Mula noong 2018, sinabi ng DTI na nakatanggap na ito ng kabuuang 520 na reklamo kaugnay sa mga balikbayan boxes.