Nagpatupad ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze sa mga basic necessities sa mga coastal barangay ng Oriental Mindoro, maliban sa Puerto Galera.
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na ang price freeze ay dahil sa Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 6340-2023, na naglagay sa mga coastal town ng lalawigan, maliban sa Puerto Galera, sa ilalim ng state of calamity noong Marso 31.
Ang mga presyo ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng mga de-latang isda at iba pang produktong nakukuha sa dagat, processed milk, kape, kandila, tinapay, iodized salt, instant noodles, at bottled water ay naka-freeze sa kanilang umiiral na presyo.
Nauna nang isinailalim sa state of calamity ang Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Mansalay, Roxas, at Bulalacao.
Sinabi ng DTI na palalawigin din ang kasalukuyang price freeze sa mga bayang nabanggit.
Ang mga lalabag ay mapapatawan ng parusang pagkakakulong ng isang taon hanggang 10 taon, o multang mula ₱5,000 hanggang ₱1 million.