-- Advertisements --

Nagpatupad na ng price freeze ang Department of Trade and Industry sa mga pangunahing bilihin sa dalawang bayan sa Oriental Mindoro.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa matinding epekto ng drought sa lugar nang dahil pa rin sa nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.

Sa isang pahayag ay iniulat ng DTI na ang ipinatupad nitong price freeze ay sumasaklaw sa mga munisipalidad ng Bulalacao, at Mansalay na una nang isinailalim ng mga kinauukulan sa state of calamity nang dahil pa rin sa epekto ng drought na nararanasan nito.

Ang implementasyon ng automatic price freeze ay naging epektibo sa Bulalacao mula noong Pebrero 26, habang nitong Marso 7 naman ito ipinatupad sa Mansalay na kapwa magttagal naman sa loob ng 60 araw, at sumasaklaw sa mga basic necessities tulad ng mga delata, processed milk, kape, sabong panlaba, sabon, tinapay, bottled water, at marami pang iba.

Upang matiyak na ipatutupad ito sa nasabing mga lugar ay mas pinaigting ng provincial monitoring and enforcement team ng DTI ang pagbabantay nito sa presyo at availability ng mga essential goods sa mga merkado alinsunod sa hurisdiksyon ng kagawaran.

Samantala, kasabay nito ay nagbabala ang ahensya sa sinumang mapapatunayang lumalabag sa naturang kautusan na mapapatawan ng hanggang sampung taong pagkakakulong o pagbabayarin ng piyansang nagkakahalaga mula Php5,000 hanggang Php1-million.