Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong price freeze sa mga pangunahing pangangailangan sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng Bagyong Egay.
Sa isang pahayag, nagbabala si Trade Secretary Alfredo Pascual sa magiging epekto sa mga hindi susunod sa nasabing price freeze.
Sa ilalim ng Republic Act 7581, o ang Price Act, na inamyenda ng RA 10623, ang mga presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay awtomatikong magpapanatili sa kanilang umiiral na presyo sa loob ng 60 araw kapag naideklara na ang state of calamity (SOC) sa isang lugar.
Aniya, in-activate din ng kanilang departamento ang monitoring teams para suriin kung ang mga establisyimento ay sumusunod sa price freeze.
Sinusubaybayan ng DTI ang mga produkto na nasasakupan nito, tulad ng canned fish, locally manufactured instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, laundry soap, detergent, at asin.
Sa ilalim ng Price Act, ang mga negosyong mapapatunayang lumabag sa price freeze ay mahaharap sa parusang pagkakakulong sa loob ng isang taon hanggang 10 taon, multang mula P5,000 hanggang P1 milyon.
Nanawagan si Pascual sa mga mamimili na iulat ang mga retailer, distributor, at manufacturer na nagbebenta ng mga pangunahing pangangailangan nang higit sa kanilang umiiral na mga presyo.