Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroon ngang mga negosyante na nananamantala sa pagtataas ng presyo ng medical mask sa gitna na rin ng pagsabog ng bulkang Taal.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, sa isinagawa nilang special market monitoring activity sa Quiricada sa Sta. Cruz Maynila, may mga negosyanteng nagtaas na rin ng presyo ng face mask partikular ang N95.
Ang Quiricada sa Sta. Cruz Maynila ay isa sa mga kilalang bagsakan ng supply ng mga N95 face mask at maging ng mga ordinaryong face mask na mabentang-mabenta ngayon dahil sa taas ng demand nito na ibinibiyahe pa sa Batangas para sa mga apektadong residente.
Lumalabas na mula sa P85 na presyo ng naturang face mask at pumapalo na ngayon sa P120.
Nadiskubreng mayroon talagang pagtaas ng presyo ng face mask dahil bago pa ang mismong inspeksiyon at pag-iikot ng DTI, namili na ng sample ng N95 facemask ang mga tauhan nila.
Una nang lumabas sa socia media ang pagsipa ng presyo ng face mask sa P500 kada piraso sa Lipa, Batangas na dating ibinebenta lamang sa mas murang presyo.
Dahil dito, muling binalaan ng DTI ang mga negosyanteng mahuhuling nananamantala sa sitwasyon na pananagutin at kakasuhan dahil sa profiteering.
Ang mga mahuhuling nagsasamantala sa presyuhan ng face mask ay maaaring magmulta ng mula P5,000 hanggang P2 milyon.