-- Advertisements --

Hindi sinang-ayunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang tuluyang pagluluwag ng “quarantine restriction” sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan sa pagpasok ng Agosto, 2021.

Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, mas angkop ngayon ang general community quarantine sa Metro Manila dahil sa nananatiling banta ng hawaan.

Para sa opisyal, hindi pa napapanahon para ilagay sa modified general community quarantine (MGCQ) dahil sa kumakalat na Delta variant ng COVID-19.

Giit ng kalihim, nakakausap pa rin naman ang takbo ng ekonomiya, dahil pinapayagan naman ang lahat ng essential at non-essential worker na bumalik sa trabaho.

Samantala, muling umapela sa DTI ang grupo ng restaurant para dagdagan ng 20% ang kapasidad ng mga establisimyento kung bakunado na lahat ang staff maging ang mga customer.

Pero para kay Lopez, hanggang 10% pa lang ang idaragdag na kapasidad sa mga kainan na may safety seal, habang dadaan muli sa pag-aaral sa mga susunod na linggo kung ibibigay na ang additional na 20% capacity.