-- Advertisements --

Kinalampag ng Senado ang Department of Trade and Industry (DTI) gayundin ang Department of Agriculture (DA).

Ito’y para pigilan ang biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kabila ng naitalang 2.5% inflation rate ng bansa nitong buwan ng Oktubre, base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos, kailangang maagapan ang ganitong pangyayari, lalo’t sunod-sunod tayong tinatamaan ng mga kalamidad, maliban pa sa COVID-19 pandemic.

Batay sa isinagawang survey ng tanggapan ni Marcos sa mga pamilihan sa Quezon City, San Mateo sa Rizal at lungsod ng Maynila, lumalabas na 33 hanggang 200% ang itinaas sa presyo ng gulay.

Nasa 13 hanggang 100% naman ang itinaas sa presyo ng baboy, manok at baka sa mga palengke habang tumaas naman ng 25 hanggang 33% ang presyo ng isda.

Sa panig naman ni Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, sisikapin nilang ma-address ang mga problemang ito, mula sa binabalangkas na 2021 national budget.