-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na kakasuhan ang mga negosyanteng nagbibenta ng overpriced face masks ngayong tumaas ang demand dito dahil sa pagsabog ng Taal Volcano.

Iginiit ni Trade Usec. Ruth Castelo na hindi maaring suwayin ng mga retailers ang prize freeze sa face masks at medical supplies na ipinatupad ng Department of Health (DOH).

Kabilang na rito ang presyo ng N95 masks na dapat ay nagkakahalaga lamang ng P45 hanggang P105, at disposable masks sa presyo na P1.10 hanggang P8.

Sa ilalim ng Price Act, ang pagbibenta ng overpriced masks ay maituturing bilang profiteering na may kaakibat na parusa na hanggang 10 taong pagkakakulong at multa mula P5,000 hanggang P1 million.

Sa press briefing pa sa Malacañang, sinabi ni Castelo at Health Usec. Eric Domingo na tinapos nila kagabi ang listahan ng mga essential medicines na isinailalim sa price freeze.

Ayon kay Usec. Domingo, makikita ang listahan ng mga essential medicines na naka-price freeze sa Department of Health at Department of Trade and Industry websites.

Kasama umano sa naka-price freeze ang N95 mask, regular surgical mask o disposable mask.