Inabisuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga residente ng lalawigan ng Albay na huwag magpanic-buying sa gitna ng nagpapatuloy na unrest sa bulkang Mayon.
Pagtitiyak ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na may sapat na suplay ng mga pangunahing pangangailangan at iba pang produkto sa lalawigan ng Albay sa gitna ng pagpapatupad ng price freeze doon.
Aniya, bago magkaroon ng kalamidad inabisuhan na ang mga retailers na siguraduhing kumpleto ang suplay. Nagre-replenish din aniya sa lugar na may kalamidad upang hindi maubusan ng suplay.
Sabi pa ni Castelo na saklaw sa pinaiiral na price freeze sa Albay ang lahat ng pangunahing pangangailangan at ang mga residente doon ay maaaring tumawag sa DTI anumang oras kung may anumang concern tungkol dito.
Ayon pa sa DTI official ang mga presyo ng lahat ng manufactured basic food products sa listahan at sa suggested retail price bulletin ay pawang frozen sa loob ng 60 araw.
Magpapadala din ang ahensya ng enforcers at monitors agarang matukoy ang problema sa lugar.
Una rito, isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Albay dahil sa banta ng pagsabog ng Bulkang Mayon.