-- Advertisements --

Bukas umano ang Department of Trade and Industry (DTI) na ipagpaliban muna ng dalawang linggo ang muling pagbubukas ng mga sinehan sa Metro Manila.

Ito ang naging tugon ni Trade Secretary Ramon Lopez sa naging apela ng mga Metro Manila mayors na irekonsidera ang pagbubukas ng mga sinehan sa mga general community quarantine (GCQ) areas simula ngayong araw.

Nirerespeto raw ng ahensya ang desisyon ng mga alkalde dahil nais lamang nilang mag-ingat at bantayan muna ang COVID-19 cases status sa kanilang mga nasasakupan.

Ang pagbubukas aniya ng mga traditional cinemas ay depende pa sa ilalabas na guidelines ng Department of Health (DOH) at iba’t ibang local government units (LGUs).

Sa ngayon kasi ay aprubado pa lamang ng Inter-Agency Task Force ang pagbubukas ng mas marami pang negosyo sa mga GCQ areas.

Dagdag pa ng kalihim na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng bansa ang muling pagbubukas ng mga sinehan bunsod na rin ng epektong dulot ng coronavirus pandemic.