Hinihintay pa rin ng DSWD ang pormal na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kanselasyon ng second tranche ng cash subsidies sa mga benepisyaryo na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim sa general community quarantine.
Aminado si DSWD spokesperson Irene Dumlao na ang pondong nakalaan para sa Social Amelioration Program (SAP) aid, na hinati sa dalawang tranches, ay pangako para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino na apektado ng COVID-19.
Kaya mas mainam aniya na matanggap muna ng DSWD ang pormal na direktiba mula sa Pangulo para malinaw din nila ang kanselasyon ng pamamahagi ng second tranche ng SAP.
Mababatid na noong Abril, tiniyak na ni DSWD Sec. Rolando Bautista na patuloy na makakatanggap ang mga low-income families na nakatira sa mga lugar na isasailalim sa general community quarantine ng emergency cash assistance mula sa pamahalaan ngayong Mayo.
Pero nitong Marte lamang ay inanunsyo ng Malacañang na tanging ang mga nakatira lamang sa enhanced community quarantine ang makakatanggap ng second tranche ng cash subsidy.