Binigyang diin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang pagtanggal sa pangangailangan ng senior citizen’s discount booklet para sa pagbili ng mga gamot at iba pang pangangailangan ay tutugon sa maraming reklamo tungkol sa paggamit nito ngunit kanila itong suportado.
Ayoon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications and spokesperson Romel Lopez , noong mga nakaraang taon, nakatanggap ang departamento ng iba’t ibang alalahanin at reklamo sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng komunikasyon, kaugnay ng pagtanggap ng mga senior citizen discount.
Matatandaang, sina ACT-CIS Partylist Rep. at dating DSWD Secretary Erwin Tulfo at Marikina Rep. Stella Quimbo ay nag-mosyon para sa pagbasura sa purchase slip booklet para sa mga senior citizen batay sa paunang resulta ng kanilang imbestigasyon sa kongreso ngayong linggo.
Sinabi ng DSWD chief na inatasan niya ang Program Management Bureau (PMB) ng ahensya na magsagawa ng karagdagang pag-aaral at magrekomenda sa senior citizen purchase slip booklet.
Ang position paper ng Program Management Bureau, ay nagrekomenda na alisin ang purchase slip booklet bilang isang requirement para sa mga senior citizen na makabili ng mga gamot, na palitan ito ng mga digital record.
Nanindigan ang DSWD-Program Management Bureau na sa digitalization na ito, ang mga kinauukulang ahensya tulad ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), DOH, Department of Information and Communication Technology, Department of Trade and Industry, at iba pang ahensya ay makikipagtulungan sa mga miyembro ng pribadong sektor na nag-aalok ng mga serbisyo sa mga senior citizen.
Matatandaang ipinag-utos ng DOH na lahat ng ospital at drug retail outlet ay dapat mag-atas sa mga senior citizen o kanilang kinatawan na ipakita ang purchase slip booklets para itala ang uri ng binili na over-the-counter na gamot, ilan, kailan at saan ito binili.
Pangunahing layunin ng purchase slip booklets ay tulungan ang mga botika na masubaybayan ang huling pagbili ng mga senior citizen para sa isang partikular na gamot.