-- Advertisements --

Pinayuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga senior citizenss at persons with disabilities (PWDs) na kung maari ay magpadala na lamang ng kanilang kinatawan sa pagkuha ng kanilang emergency subsidies sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ginawa ng DSWD ang apelang ito matapos na makatanggap ng ulat hinggil sa pagpanaw ng ilang nakatatanda habang nakapila para sa pagkuha ng kanilang cash assistance.

“The DSWD extended sympathies to the bereaved families of these senior citizens and ensured that their families will be given appropriate assistance,” saad ng DSWD sa isang statement.

Hinimok din ng kagawaran ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng standby ambulance na may available paramedics sa mga lugar kung saan nagsasagawa ng payout.

Pero para sa DSWD, mas mainam anila kung gagawing door-to-door na lamang ng mga LGUs ang pagpapahatid ng emergency cash subsidies para sa mga pamilya na may senior citizens at PWDs upang sa gayon ay hindi na kailangan pang lumabas ng mga ito sa kanikanilang bahay.

Mababatid na sa ilalim ng quarantine protocols na inilatag ng pamahalaan, para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19, ang mga 21-anyos pababa, mga nakatatanda, buntis, may immunodeficiency at may iba pang health risk ay dapat manatili sa loob ng bahay sa lahat ng oras, dahil mas mataas ang kanilang tsanang mahawa sa nakakamatay na sakit.