-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pamamahagi ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Cash Cards ng DSWD Region 2 para sa ikalawang round.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Policy and Plans Division Chief Chanda Api ng DSWD Region 2, sinabi niya na patuloy ang distribusyon nila maliban sa mga coastal towns pangunahin na ang Divilacan at Maconacon dahil sa kawalan ng pasilidad sa nasabing mga bayan.

Nahirapan silang ipamahagi ang mga cash cards dahil kailangang kasama nila ang Landbank sa distribusyon.

Unang isinagawa ang malawakang pamamahagi ng Cash Cards noong 2020 at ang mga bayan na may hindi nabigyan ng mga cash cards ay binalikan sa 2nd round ng DSWD.

Noong 2020 ay nasa mahigit 263,000 ang bilang ng mga benepisaryo at dito ay nasa mahigit 47,000 ang hindi pa nabibigyan.

Puntiryang maibigay lahat ang cash cards hanggang sa buwan ng Marso bagamat maraming limitasyon ang DSWD tulad ng kakulangan ng tao at may iba pang programang dapat pagtuunan ng pansin.

Ipinaliwanag naman niya na ang mga cash cards na walang laman ay maaaring hindi pa nalagyan ng Landbank o maaari ring may isyu sa benepisaryo kaya hindi nilagyan ng bangko.

Hindi na umano hawak ng DSWD ang paglalagay ng pera sa cash cards dahil trabaho na ito ng Landbank na kanilang partner at ang tanging gawain ng DSWD ay ang lease at pagba-validate ng mga benepisaryo ng UCT.

Bagamat hindi DSWD ang may hawak ay maari naman itong ipabatid sa kanilang tanggapan upang sila ang magpasa nito sa Landbank upang maayos.