BOMBO DAGUPAN- Patuloy pa rin ang pakikipag ugnayan ng Department of Social Welfare and Development sa Local Social Welfare Offices at Provincial Social Welfare Offices upang bahagian ng mga relief goods ang mga nasalanta ng bagyong Egay.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marie Angela S. Gopalan, Regional Director ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD Region 1), nakapagtala na ng 10,880 requests mula sa Ilocos Norte, 6,800 naman sa Ilocos Sur, at 8,500 La Union.
Nakikipag-ugnayan din sila sa hiling ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez para sa augmentation.
Aniya, kaakibat din nila ang iba’t ibang hanay ng Social Welfare Services at ang Disaster Risk Reduction Management Office upang makapag-bigay ng agarang aksyon na kinakailangan ng kanilang lugar.
Patuloy din aniya ang monitoring nila ng pag galaw sa pagbibigay ng mga relief goods upang malaman agad ng kanilang ahensya kung ito ay may kakulangan.
Hinihikayat naman ni Gopalan na maging alerto pa rin sa lagay ng panahon at makipag koordina sa mga lokal na gobyerno upang maabisuhan agad sa maaaring mangyari.