Nananatiling nakatuon ang DSWD sa pangunahing layunin nito na mapaaral ang mga kabataan na nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa pagkilala sa patuloy na hamon ng pagbaba ng enrollment at mga kaso ng paghinto sa pag-aaral, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang Kagawaran ay gumagawa ng mga proactive na hakbang upang matiyak na ang mga bata na unang nakapag-enroll ay hindi mawawala sa paaralan.
Para sa school year 2022-2023, sinusubaybayan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program National Project Management Office (NPMO) ang mahigit 7.1 milyong bata na benepisyaryo sa ilalim ng nasabing programa.
Ayon sa DSWD, mayroong 3.2 milyon ang nagpatala sa elementarya; 2.8 milyon ang naka-enroll sa high school; at 1.04 milyon para naman sa senior high school.
Nauna nang inutusan ng DSWD chief ang National Project Management Office na pinamumunuan ni Director Gemma Gabuya na pabilisin ang pagbuo ng data para sa kasalukuyang taon upang matukoy kung ilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na bata ang kasalukuyang naka-enroll.
Ayon kay DSWD ASec. Romel Lopez, mailalabas ang kabuuang bilang ng mga bata na nag-aaral na nasa ilalim ng naturang programa sa buwan ng Setyembre.
Una na rito, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay ang flagship program ng gobyerno ng Pilipinas na makakatulong upang matugunan ang kahirapan sa ating bansa.