Naghatid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office-11 o Davao Region ng 9,000 family food packs (FFPs) sa Lupon Seaport, Poblacion, Lupon Davao Oriental.
Ang nasabing tulong ay sa pamamagitan ng Philippine Navy vessel na BRP Tagbanua.
Ang mga FFP ay ipapamahagi sa mga pamilya mula sa mga bayan ng Gobernador Generoso at Lupon na isolated dahil sa epektong low pressure area (LPA) na naganap sa lalawigan kamakailan.
Nakipagtulungan ang DSWD sa Philippine Navy upang matiyak na agad na makakarating ang mga relief goods sa mga liblib na lugar.
Una nang nangako si DSWD Secretary Rex Gatchalian, sa kanyang pagbisita sa Davao Oriental para sa mabilis na pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa lahat ng apektadong pamilya, kabilang ang financial aid upang matulungan silang makayanan ang kanilang kasalukuyang sitwasyon.