Nag-abiso ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na mag-ingat at huwag pansinin ang natatanggap na text messages hinggil sa hindi pa natatanggap na relief allowance.
Inisyu ng DSWD ang naturang pahayag kasunod ng report mula sa isang concerned citizen na mayroong naglipanang text messages kaugnay umano sa unclaimed relief allowance para sa mga senior citizen at retiradong business owners.
Paglilinaw ng ahensiya na hindi sila nag-isyu ng anumang mensahe kaugnay sa unclaimed allowance at walang anumang relief allowance na ibinibigay ang kagawaran.
Dagdag pa ng DSWD na ang kanilang financial assistance for individuals in crisis kabilang ang aid para sa mga senior citizens ay ibinibigay sa pamamagitan ng kanilang Crisis Intervention Unit (CIU) sa central office at lahat ng field offices sa buong bansa.
Dumadaan din aniya ang lahat ng mga benepisyaryo ng kanilang programa sa assessment para maging kwalipikado sa assistance.
Kayat muling paaalala ng ahensiya sa publiko na iwasang tawagan ang mga hindi kilalang indibidwal gayundin huwag ibigay ang personal information sa pamamagitan ng text message, email at phone call.
Inaabisuhan din ang mga mayroong concern kaugnay sa mga programa ng ahensiya na dumulog ng direkta sa mga awtorisadong kawani ng kanilang social welfare office sa lungsod o munisipalidad sa kani-kaniyang lokal na pamahalaan para matiyak na lehitimo ang natanggap na impormasyon.