-- Advertisements --

Nagdeploy na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 4.9 milyong family food packs sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Tropical Depression Luis.

Ayon sa DSWD, nakapre-positioned na ang mga relief goods sa mahigit 1,000 bodega sa iba’t ibang rehiyon upang matiyak ang mabilis na pamamahagi ng ayuda sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Tiniyak din ng DSWD na sapat ang kanilang suplay at nakahanda silang agad maghatid ng tulong sa mga residenteng maaapektuhan hindi lamang ng Bagyong Luis kundi pati ng iba pang matitinding kondisyon ng panahon.

Nauna nang namahagi ang ahensya ng ready-to-eat food boxes sa mga stranded na pasahero sa Bicol Region at family food packs sa mga evacuee sa Zamboanga.

Dagdag pa ng DSWD, bago pa man tumama ang bagyong Luis ay tuloy-tuloy na ang produksyon ng family food packs sa Luzon at Visayas Disaster Resource Centers upang mapanatiling sapat ang suplay.

Nabatid na ang bawat family food pack ay may anim na kilong bigas, 10 de-lata, at tig-limang sachet ng instant coffee at chocolate drink na sapat para sa isang pamilyang may limang miyembro sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Samantala, ang ready-to-eat food box ay naglalaman ng champorado, arroz caldo, tuna paella, at protein biscuits na sapat para sa isang pamilyang may limang miyembro sa loob ng isang araw.