-- Advertisements --
DSWD Relief

Ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Disaster Response and Management Group (DRMG) na agad na magpadala ng mga food packs sa mga lugar na apektado ng baha sa Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Disaster Response and Management Group Assistant Secretary Marlon Alagao na nakikipag-ugnayan na sila sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) para sa mabilis na pagpapadala ng mga family food packs (FFPs), partikular para sa Western Visayas, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.

Aniya, ang kanilang tanggapan ay maaaring maghanda ng 39,100 FFP para sa pagpapadala hanggang Huwebes (Aug. 31).

Ang Visayas Disaster Resource Center, na siyang katapat ng Pasay City-based National Resource Operations Center (NROC), ay matatagpuan sa lalawigan ng Cebu, na siyang sentro ng Visayas.

May 11,700 FFPs ang ipapadala sa DSWD-Field Office-6, na sumasaklaw sa Western Visayas provinces ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo at Negros Occidental, at ang dalawang highly urbanized na lungsod ng Bacolod at Iloilo.

Sa Miyerkules, Agosto 30, 12,900 kahon ng FFPs ang nakatakdang ihatid sa DSWD-Field Office-10 na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Northern Mindanao ng Lanao del Norte, Camiguin, Misamis Occidental, Misamis Oriental, at Bukidnon.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pamamahagi ng iba’t-ibang ahensya ng mga kinakailangang tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad.