Dumepensa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ginagawang pamamahagi ng ayuda ng mga local government units (LGUs) sa National Capital Region-plus na nakatanggap ng kabi-kabilang reklamo dahil sa di-umano’y mas mabagal pa sa pagong na pag-usad nang distribusyon ng ayuda.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao na ginagawa ng mga LGUs ang lahat ng kanilang makakaya para pabilisin ang pamamahagi ng financial assistance sa kanilang mga nasasakupan.
Naiintindihan umano ng ahensya na kinokonsidera ng mga lokal na pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon bunsod ng coronavirus disease.
Una nang inulat ng DSWD na umabot na ng 2.2 million o halos 10 posyento ng 22.9 million low-income beneficiaries sa NCR-plus.
Nangako rin si Dumlao na itutuloy ng ahensya ang pangako nito na bantayan ang pagpapatupad ng aid program para sa 22.9 million low-income beneficiaries sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Alinsunod na rin sa Joint Memorandum Circular (JMC) No.1 series of 2021, inatasan ang Joint Monitoring Inspection Team na tugunan ang mga reklamo mula sa mga beneficiaries, i-monitor ang compliance ng mga lokal na pamahalaan, magpatulong sa mga otoridad sakaling makaranas ng delay o systemic anomalies sa pamamahagi ng ayuda, gayundin ang maghain ng administrative o criminal cases laban sa mga pampublikong opisyal na dawit sa iregular na aktibidad.
Ipinaalala rin ng ahensya sa publiko na nagtayo ang mga LGUs ng Grievance and Appeals Committee upang kaagad na matugunan ang mga reklamo mula sa mga residente kaugnay nang pamamahagi ng cash aid.