Inilagay sa high alert ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasunod ng magnitude 6.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Southern Mindanao.
Ayon sa isang pahayag, tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang tulong sa mga biktima, lalo na sa mga lugar na tinamaan ng malakas na pagyanig.
Inalerto na rin ang DSWD-Disaster Response Management Group (DRMG) para ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.
Aniya, sa kasalukuyan, mayroong P29.16 million Quick Response Fund (QRF) sa DSWD Central Office, P14.2 million available sa DSWD Field Offices 10 Northern Mindanao, Davao Region, at SOCCSKSARGEN.
Ang DSWD Field Offices sa Northern Mindanao, Davao Region, SOCCKSARGEN at iba pang apektadong lugar ay may kabuuang 140,579 family food packs na magagamit para sa access.
Samantala, sinabi ng Office of Speaker Martin Romualdez at Tingog party-list na pinadali nila ang pagpapalabas ng P20 milyong halaga ng tulong sa mga biktima ng lindol, habang 5,000 food packs ang inihahanda ngayon bilang paunang suporta para sa dalawang distritong kongreso na apektado ng lindol.
Inihahanda na rin ang construction materials para sa pamamahagi para matulungan ang mga residente na ayusin at itayo ang kanilang mga bahay na nasira ng lindol.