-- Advertisements --

Inaprubahan na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang renewal ng collaboration ng ahensya sa US Peace Corps matapos ang isang produktibong pagpupulong kasama ang mga kinatawan mula sa ahensya ng gobyerno ng Estados Unidos na responsable sa pagsasanay at pag-deploy ng mga volunteers.

Nauna nang nagpulong si Gatchalian at ang mga opisyal ng US Peace Corps sa DSWD Central Office sa Quezon City noong Marso 14 para pag-usapan ang renewal ng memorandum of understanding (MOU) na nakatakdang mag-expire ngayong taon.

Ang kasalukuyang MOU ay nagpapahintulot sa US Peace Corps na magtalaga ng mga volunteer sa DSWD centers at mga lisensyado at akreditadong Social Welfare and Development Agencies upang magbigay ng tulong sa mga kawani sa pangangalaga sa mga residente.

Sa panahon ng pandemya, ginamit din ng DSWD ang mga Peace Corps volunteers para ipatupad ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), partikular na sa Central Luzon.

Kasama sa US Peace Corps executives na nakipagpulong kay Gatchalian ay sina Director of Management and Operations Bryan Cummins, Program Manager at Team Leader Roberto Yangco, Program Manager for Peace Corps Response Milosil Cruz, at Community Integration Coordinator for Children, Youth, and Family Project Georgina Ciriaco.

Ang nasabing meeting ay dinaluhan din nina DSWD Assistant Secretary Marites Maristela at Concurrent Officer-In-Charge Deputy Program Manager for Operations sa ilalim ng 4Ps-National Program Management Office, Rosalie Dagulo.