DSWD office
IMAGE ” Department of Social Welfare and Development (DSWD) office in Quezon City

MANILA – Hinimok ng isang kongresista ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ngayon pa lang ay maghanda na ng listahan ng mga indibidwal na magiging prayoridad sa COVID-19 vaccination.

Sa isang panayam sinabi ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, na batid niya ang kahalagahan ng bakuna, kaya dapat umanong matiyak na matatanggap ito ng mga karapat-dapat maunang maturukan.

Kakahalal lang kay Vargas bilang chairperson ng House Committee on Social Services.

Ayon sa kanya, kakambal ng responsibildad ng DSWD at volunteers nito sa pagpapatupad ng COVID-19 immunization program ang papel ng local government units.

“Pagdating naman sa mga LGUs, kasi sila yung sa listahan, umaasa rin sila sa barangay level para sa listahan. So isa itong napakalaking effort na kailangan. From top to bottom, kailangan coordinated, kailangan ngayon pine-prepare na,” ani Vargas sa interview ng Super Radyo DZBB.

Magugunitang sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na target nilang ipatupad ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa high risk areas tulad ng National Capital Region, Calabarzon, at Central Luzon.

Pati na sa Cebu, Davao, at Cagayan de Oro.

Kabilang sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na unang mabakunahan ay ang mga frontliners na healthcare workrs, uniformed personnel, senior citizen, at mga mahihirap.