Iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian tututukan ang kasong kidnapping at serious detention na isinampa ng isang ina laban sa Gentle Hand, Inc. (GHI).
Ayon kay Gatchalian, ang mga kasong kidnapping laban sa naturang pribadong orphanage ay inihain na ng Department of Justice (DOJ).
Ipinunto pa niya na tinutulungan ng ahensya ang mga magulang na may mga reklamo laban sa gentle hands incorporation sa pagre-refer sa kanila sa mga tamang awtoridad, tulad ng Kagawaran ng Katarungan.
Matatandaan na noong nakaraang Biyernes (Hunyo 9), nagsampa ng kasong kidnapping ang mga abogado ng Department Of Justice sa ilalim ng Article 270 ng Revised Penal Code gayun din ang ‘failure to return’ ng tatlong menor de edad na anak ng isang 31-anyos na ina na ngayon ay principal complainant sa criminal case laban sa executive director ng Gentle Hands Inc.
Ang complainant na si Monina Espinosa Roxas, na kilala rin sa pangalang Juvy Roxas Espinosa, ay tinulungan ng mga abogado mula sa DOJ, partikular ang Inter-Agency Committee Against Trafficking (IACAT) Task Force, sa pagsasapinal ng kanyang complaint-affidavit.
Pansamantala namang isinara noong Mayo 25 ang nasabing orphanage, na mayroong childcare facilities sa Project 4, Quezon City at sa Baliuag, Bulacan, matapos maglabas ng cease-and-desist order ang DSWD dahil sa iba’t ibang paglabag.