Walang naitalang matinding problema sa dry run ng single ticketing system sa limang lungsod sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng ilang “birth pains” sa pagpapatupad nito, ayon sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi MMDA chairperson Romando Artes, na naging matagumpay ang isinagawa nilang dry run ng single ticketing system.
Gayunpaman, aminado si Artes na may ilang mga pagsasaayos na dapat gawin sa pagpapatupad ng nasabing sistema.
Iminungkahi ni Artes na magsagawa ng higit pang pagsasanay para sa mga enforcer sa paggamit ng hand-held single ticketing device dahil ang ilan sa kanila ay may mga error sa input..
Kaugnay niyan, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) regional director Noreen San Luis-Lutey na limang lungsod lamang, kabilang ang San Juan, Paranaque, Muntinlupa, Valenzuela, at Quezon City, ang nakasali sa dry run.
Noong una, inihayag ng MMDA na pitong lungsod ang sasali sa pilot run ng single ticketing system.
Sa limang lungsod na lumahok sa dry run, sinabi ng opisyal ng LTO na ang San Juan lamang ang nakapag-deploy ng single ticketing system device.
Layunin ng single-ticketing system na magtatag ng pare-parehong patakaran sa mga paglabag sa trapiko at sistema ng parusa sa Metro Manila.