-- Advertisements --

Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na magkakaroon muna ng isang buwan na dry-run ang odd-even coding scheme para sa ‘EDSA Rebuild’. Aniya, kailangang bigyang oras muna ang mga motorista na malaman ang bagong patakaran. Sila ay sisitahin muna ngunit hindi mumultahan.

Kaugnay nito, kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) na maliban sa mga sasakyang ginagamit sa Transportation Network Vehicle Services (TNVS), inanunsiyo rin ng ahensya na ang mga electric vehicles (EVs), hybrid electric vehicles (HEVs), at plug-in hybrid electric vehicles (PHEVs) ay hindi saklaw ng ipapatupad na odd-even scheme. Ibig sabihin, hindi kailangang mag-alala ang mga gumagamit ng mga nasabing sasakyan sa pagdaan sa EDSA habang isinasagawa ang rehabilitasyon.

Samantala, nagpaalala rin si Artes sa mga komyuter sa pagsisimula ng ‘EDSA Rebuild’ dahil ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa traffic. Hiningi niya ang kooperasyon ng  mga komyuter at kung maaari ay planuhin na ang mga magiging byahe lalo na kung dadaan sa EDSA.

Dagdag pa niya, may mga alternatibong ruta na maaaring gamitin at hinimok niya ang publiko na gumamit na lang ng public transportations para hindi na rin dumagdag sa dami ng sasakyan sa may EDSA.