Hiniling ng mga pamilya ng mga nasawi sa war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Supreme Court (SC) na ideklarang labag sa Konstitusyon ang mga polisiyang naging batayan ng dating administrasyon.
Sa pamamagitan ng kanilang mga abogado mula sa CenterLaw Philippines, naghain ang mga petisyoner ng isang Manifestation and Urgent Motion for Resolution kung saan hinihiling nila sa Korte Suprema na aksyunan na ang mga kasong nakabinbin pa mula noong 2017.
Sakop ng petisyon ang 26 na komunidad sa Maynila na umano’y nakaranas ng pangha-harass noong kasagsagan ng war on drugs. Dahil sa seguridad, hindi pinangalanan ang mga naturang lugar.
Hinihiling din nila sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Philippine National Police Command Memorandum Circular 16-2016 o mas kilala bilang “Project Double Barrel,” na naging batayan ng anti-drug operations.
Nananatiling umiiral ang naturang polisiya kaya maaari pa rin umano itong magamit ng mga pulis bilang basehan ng mga operasyon sa mga mahihirap na komunidad.
Bukod dito, humihiling din ang mga pamilya ng writ of amparo. Anila, nakararanas pa rin ng mga banta, pananakot, at maling impormasyon ang ilang pamilya ng mga biktima ng war on drugs.
Noong Marso 2025, inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity. Kalaunan ay dinala siya sa The Hague sa Netherlands upang harapin ang paglilitis.















