-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Parehong talo umano ang presidente at bise presidente ng bansa matapos sinibak ni Presidente Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Anti-illegal Drugs (ICAD).

Ito ang personal na pananaw ng isang political analyst at history professor na si Julius Ubas ng Notre Dame of Marbel University kung saan sinabi nitong negatibo ang epekto nito sa kampanya ng administrasyon kontra iligal na droga.

Dagdag pa nito na hindi dahil sa naging performance ng bise presidente bilang co-chair ng ICAD ang posibleng problema kundi dahil sa dati pang issue na hindi umano gusto ng presidente si Robredo dahil bahagi ito ng oposisyon at ang pagiging kritiko nito ng administrasyon.

Kaugnay nito matapos ang pagkakasibak ng bise presidente sa ICAD wala rin umanong may nakabenepisyo sa tatlong linggong bangayan ng mga ito kundi ang mga durugista umanong tuwang-tuwa sa di pagkakaintindihan ng mga opisyal.

Sa halip na magkaisa para sa pagpapalakas ng war on drugs campaign ay parang nabigyan pa umano ng oportunidad ang mga durugista na makita ang kahinaan ng gobyerno.