CAGAYAN DE ORO CITY – Pinakawalan ng Villanueva Municipal Police Station personnel ang truck driver na nakabanggaan ng motorsiklo sa Purok 9, Brgy. Nangka, Villanueva Misamis Oriental na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong katao na kinabibilangan ng dalawang bata habang may dalawang pang sugatan.

Itoy matapos may amicable settlement ang suspek at pamilya ng mga biktima.

Sinabi ni Villanueva Municipal Police Station investigator Chief M/Sgt. Teody De Oro na mahaharap sana sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injuries and damage to property si Yorme Opaon, 47, residente ng Patrocenio Claveria sa naturang lalawigan ngunit dahil sa kasunduan ay hindi na ito itinuloy.

Nangako ang may ari at driver ng truck na sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapalibing ng mga biktima at pagpapagamot ng mga sugatan.

Matatandaang dadalo sana sa isang family reunion ang pamilyang Pagulayan ng mangyari ang kalunos-lunos na aksidente.