CEBU CITY – On going ang search and retreival operation sa isang driver ng dumptruck na natabunan ng mga basura sa isang landfill sa Sitio Manayataya Brgy. Lopog bayan ng Concolacion, probinsiya ng Cebu.

Ang biktima kinilalang si Rudolfo Malasaga, 34 anyos at residente ng Brgy. Labangon, Cebu City.

Base sa imbestigasyon, magtatapon na sana ng basura si Malasaga sa nasabing landfill nang biglang gumuho ang nakaimbak na basura.
Nakatakbo pa umano ang kasama ng driver na nasa likod ng truck ngunit hindi sinuwerte si Malasaga at nalibing itong buhay.

Galit naman ang asawa ng biktima na si Analyn Lopez.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Lopez, sinabi nito na hindi agad ni-rescue ang kanyang asawa at pinabayaan lang.

Ayaw rin umano siyang papasukin sa dumpsite at tila itinigil ang rescue.

Ngunit ayon naman kay Police Corporal Jesus Bernarco Lukmayon ng Concolacion PNP, delikado umano ang dumpsite area.

Baka rin umano matabunan din ang mag rescuer kaya pansamantala munang itinigil ang pag-rescue.

Habang ikinukuwento naman ni Jelyn Gualisa, isa sa mga scavengers na nataranta siya at ng mga kasamahan nito sa paguho ng bundok ng basura.

Masyado raw mabilis ang pangyayari at hindi na niya namalayan pa ang sumunod na mga nangyari.

Inamin naman ni Jelyn na binalaan na umano sila na hindi maglalagi sa dumpsite dahil delikado sa posibilidad na gumuho.