NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang dalawa pa matapos ang nangyaring karambola ng tatlong sasakyan sa Maharlika Highway sa Brgy. Viñas Calauag, Quezon.
Kinilala ang binawian ng buhay na si Ritchie Blanza Bodis, 25-anyos, residente ng Brgy. Ipil sa nasabing bayan, habang ang sugatan naman ay sina Jerome Silverio Inofre, drayber ng motorsiklo, 18-anyos, residente ng Brgy. San Quintin sa nasabi ring bayan at Raniel Silverio Dayuta, backrider, 18-anyos, residente ng Tagaytay City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng mga motorsiklo na minamaneho nina Bodis at Inofre ang kahabaan ng Maharlika Highway, northbound direction nang subukan ni Bodis na mag-overtake at aksidente nitong nahagip ang handlebar ng motor ni Inofre.
Dahil sa pangyayari, nag-slide ang motorsiklo na minamaneho ni Inofre, at nang makita ni Bodis ang pangyayari ay agad itong huminto at pinababa ang dalawang babaeng backrider nito at nag-U-turn para sana tulungan ang kaniyang mga kasama.
Dagdag pa rito, nakita rin umano ng drayber ng bus na si Marlon Castillo Soriano, 47-anyos, residente ng Brgy. Poblacion, Zone 2, Del Gallego, Camarines Sur na patungo naman sa Bicol Region ang pangyayari at ang motor na minamaneho ni Inofre na nasa unahan nito ngunit habang sinusubukan nitong mag-overtake, dito rin biglang nag-U-turn ang motorsiklo na minamaneho ni Bodis na naging dahilan para mabundol ito ng bus.
Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima para sa asisntesya medikal ngunit sa kasamaang palad ay idineklara ring dead-on-arrival ng doktor si Bodis.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hingil sa nasabing insidente.