-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nakunan ng CCTV Camera ang pagkakabangga ng isang wing van truck sa papalikong private van sa RC Miranda Road, Purok 2 Barangay Calao East, Santiago City.

Ang banggaan ay nagresulta ng pagkakasugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tsuper ng private van na si Eleazar Alap, 50 anyos, may-asawa, Ministro ng isang relihyon, tubong Zambales at pansamantalang naninirahan sa Barangay Villasis, Santiago City .

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa SCPO Traffic Group ang nagmananeho ng Aluminum Wing Van Truck ay si Ewesly Pagtama, 29 anyos, may asawa, at residente ng Lasam, Cagayan .

Batay sa pagsisiyasat ng Traffic Group, parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang daan patungong barangay Centro East kung saan nasa unahan ang Van na minamaneho ni Alap na sinusundan naman ng Wing Van Truck na minamaneho ni Pagtama.

Makikita sa kuha ng CCTV Camera ang pansamantalang pagtigil sa linya ni Alap na nagbigay naman ng signal light bilang tanda ng kaniyang pagliko patungong Milegrito Street ngunit nabangga ng sumusunod na Wing Van truck.

Nagtamo ng matinding sugat sa mukha si Alap na kaagad dinala sa Callang General Hospital ng tumugong kasapi ng Rescue 1021

Depensa naman ng driver ng wing van na si Pagtama na hindi umano nito napansin ang sasakyan ni Alap sa kaniyang harapan dahil sa pag-aakalang sinusundan pa rin nito ang motorsiklo na makikita naman sa video na siyang nag-overtake sa sasakyan ng biktima.