Inaabangan ngayong araw ang gagawing bunutan sa kung sino ang magkakagrupo para sa 2023 FIFA Women’s World Cup.
Malalaman dito kung anong grupo at team ang makakaharap ng Philippine women’s football team na Filipinas.
Ayon sa FIFA gagawin ang drawlots 2:30 nitong Sabado ng hapon oras sa Pilipinas sa Auckland, New Zealand.
Pangungunahan ni Fifa president Gianni Infantino ang nasabing event kung saan mayroon ng 29 qualified teams at may tatlo pang koponan ang nakatakdang malaman na bubunutin base sa kanilang world rankings.
Sinabi ni Philippine Football Federation president Mariano ‘Nonong’ Araneta na kanilang inaabangan ang nasabing drawlots dahil malalaman na rin sa wakas kung anong koponan ang makakaharap ng Filipinas sa FIFA Women’s World Cup.
Itinuturing na isa ng malaking karangalan ang mapabilang sa torneo pero mas lalong maganda kapag magwagi ang bansa.