-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanawagan si dating Coronavirus disease 2019 (COVID-19) task force special adviser Dr. Tony Leachon sa gobyerno na mas tutukan na lamang ang pagsagot sa pandemya kaysasa sa pagpapalabas ng mga maling paratang sa mga kritiko.

Kasunod ito ng pasaring ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. kay Leachon ng minsang kwestiyonin kung bakit tila pinapaboran ng gobyerno ang Sinovac vaccine ng China kesa sa ibang brands ng bakuna.

Sinabi pa ni Galvez na hindi dapat nakikialam ang doktor sa isyu sa suplay ng bakuna lalo pa’t hindi naman ito eksperto.

Subalit sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Leachon, binigyang diin nito na isa siyang doktor na mas nakakaalam sa isyu at mas eksperto kesa sa isa lamang na retiradong heneral ng Philippine Army.

Ayon kay Leachon, hindi naman maitatagong mahina ang COVID-19 response ng gobyerno kung kaya’t marami pa rin ang tinatamaan ng COVID-19, mga benipisyong di naibibigay sa health workers at punuang mga ospital habang malayo rin na maabot ang target na herd immunity ngayong taon.

Pinahimutikan rin ng doktor ang mga paratang na gusto niya lang maging Department of Health (DoH) secretary kung kaya’t nakikialam sa isyu at binigyang diin na nais lang makatulong sa laban sa pandemya.